Isang kasambahay na overseas Filipino worker ang nakakulong ngayon sa Saudi Arabia matapos umanong patayin ang kaniyang bagong silang na sanggol.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabi ni Vice Consul Lemuel Lopez ng Philippine Consulate sa Jeddah, ginahasa ang OFW ng dayuhang driver ng kanyang amo sa Al Bahah.

Nabuntis umano ang OFW pero hindi niya ito ipinaalam sa kaniyang amo dahil sa takot.

Nang manganak siya nitong Pebrero, ibinalot daw ng OFW sa tela ang sanggol at inilagay sa plastic.

Isinugod pa raw ng amo sa ospital ang sanggol pero hindi na ito umabot nang buhay.

Dahil sa nangyari, sinampahan ng reklamong immorality at infanticide ang OFW.

Kapag napatunayang nakasala, maaaring patawan ng parusang kamatayan ang OFW.

Ayon kay Lopez, posibleng hindi ituloy ang kaso sa OFW kung mapapatunayang nakaranas ng postpartum depression ang Pinay. -- FRJ, GMA News