Kalunos-lunos ang sinapit ng isang overseas Filipino worker (OFW) na pinatay ng hindi pa nakikilalang salarin sa Saudi Arabia, na bukod sa puno ng pasa, wala  ang mata at lamang loob nang iuwi ang bangkay nito sa Pilipinas.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktimang OFW na si Lemuel Lansangan, 39-anyos.

Dumating ang kaniyang labi sa kanilang bahay sa Brgy. Anolid, Mangaldan, Pangasinan noong Abril 3, at nabalot ng lungkot ang kaniyang pamilya.

Sinabing Disyembre 8, 2018 nang patayin si Lansangan ng hindi pa matukoy na salarin sa Saudi Arabia.

Ang mga pasa ni Lansangan ay palatandaan na pinahirapan pa siya bago pinatay.

"Noong binuksan namin 'yung kabaong niya, parang mummy siya. Nakakatakot itsura. Kasi tinorture (torture) pa siya eh," sabi ni Louie Lansangan, kapatid ng biktima.

Humingi ng tulong ang mga kaanak ni Lansangan kay Pangulong Rodrigo Duterte na makamit ang hustisya at para matukoy ang salarin sa pagkamatay ng biktima.

"Sa gobyerno natin na sana tulungan kami sa nangyari sa kapatid ko. 'Yun lang naman," ayon pa kay Louie Lansangan.

Natanggap na ng OFW desk ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang nangyari kay Lansangan, at sinabi nilang makikipag-ugnayan sila sa Department of Foreign Affairs para sa kaukulang imbestigasyon.

"Part investigation kasi talagang sa DFA at 'yung counterpart ng DFA ng abroad," sabi ni Mariano Mamaril, representative, OWWA-Central, Pangasinan. —Jamil Santos/LDF, GMA News