Isang overseas Filipino worker (OFW) na nakalasap umano ng pagmamalupit ang bumalik na sa Pilipinas kahit hindi pa siya nagtatagal sa kaniyang trabaho doon bilang kasambahay sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, sinabing binugbog umano babaeng Saudi national na tauhan ng recruitment agency ang biktimang OFW na si Evalyn Calma.
Kuwento ni Calma, nagalit daw sa kaniya ang Saudi natioanl nang magsumbong ang kaniyang amo na hindi raw siya nagtatrabaho.
"Nagsumbong po iyong amo ko hindi po ako nagtatrabaho. Tapos kinukuhanan ko raw ng picture ang mga bata. Bigla na lang po tumayo iyong Arabong babae tapos kinaladkad ako. Tapos ibinalibag po ako sa may sofa," saad ng OFW.
Sinabi pa niya hinampas din umano umano siya ng kaniyang cellphone bago ito kinumpiska.
Dinuro-duro rin umano siya ng isang Pinay sa recruitment agency.
Sinabihan daw siya niya na dadalhin siya sa malaking bahay kung ayaw niyang magtrabaho.
Sa mga larawan, makikita ang mga tinamong pasa ni Calma.
Sa pamamagitan ng OFW advocate group na Kaagapay ng Bawat OFW, naiparating sa Philippine Overseas Labor Office at Overseas Workers Welfare Administration ang nangyari kay Calma kaya siya nasagip.
Matapos ang mahigit isang linggo, nakauwi na siya sa Pilipinas.
Itinanggi naman ng mga tauhan ng recruitment agency ang pananakit sa biktima.
Hindi na rin daw nila nakita ang sinasabing Arabong babae na nanakit sa OFW.
Sa kabila nito, plano pa rin daw ni Calma na magsampa ng reklamo kaugnay sa nangyari sa kaniya.--FRJ, GMA News
