Nadakip na ng mga awtoridad sa Kuwait ang kababayan nilang pulis na sinasabing nanghalay sa kadarating lang na Pinay sa kanilang bansa para magtrabahong domestic helper.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na nadakip na ang suspek na pulis na si Fayed Naser Hamad Alajmy, 22-anyos.

Una rito, sinabi sa OFW advocate na si Susan Ople, darating lang sa airport sa Kuwait ang biktimang Pinay nitong June 4 nang alalayan siya ng suspek na pulis fingerprint scanning sa airport.

Pero pagkaraan nito, dinukot daw ang Pinay at saka ginahasa.

"Dinala sa sasakyan, inilabas. Dinala sa isolated na lugar, ni-rape, and then hinatid. Iinalik sa airport, tapos naglaho na 'yung lalaki," ayon kay Ople, ng Blas F. Ople Policy Center.

Ang mismong employer daw ng biktima ang nagreport ng pangyayari sa mga awtoridad.

Hiniling daw ng OFW na huwag siyang pangalanan o ipaalam sa kaniyang pamilya ang pangyayari.

Kasunod ng pagkakaaresto sa suspek, sinabi ni Bello na wala siyang nakikitang dahilan sa ngayon para suspendehin ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait.

"If there is no prompt action taken by the Kuwaiti side I would consider the imposition of a deployment ban. Pero since ginawa naman nila ang dapat gawin then ok na sa akin. We will wait for the result of the investigation," anang kalihim. --FRJ, GMA News