Kalbaryo ang sinapit ng isang 14-anyos na OFW na dinaya ng recruiter ang edad para maipadala sa Saudi Arabia. Ang dalagita, tumakas sa malupit umano niyang amo at nagahasa naman ng taong nagpanggap na tutulong sa kaniya.


Ayon sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing kahirapan sa buhay ang nagtulak sa dalagitang itinago sa pangalang "Amira" upang magtrabaho sa ibang bansa noong nakaraang taon.

Pinagmukha umanong matanda ang hitsura ni Amira at dinaya ng recruiter ang kaniyang mga papeles para makapagtrabaho siya sa abroad.

Pero pagdating sa KSA, minaltrato umano siya ng kaniyang amo kaya siya tumakas.

Isang dayuhang lalaki naman ang nangakong tutulong sa kaniya pero ikinulong siya at tatlong beses daw siyang pinagsamantalahan.

Nagawa lang daw niyang makatakas sa lalaki nang maaksidente ito.

Bukod kay Amira, dinaya rin ang edad at papeles ng 17-anyos na itinago naman sa pangalang "Jana," tumakas din sa kaniyang amo dahil inakusahan siya na nagnanakaw.

Pinaglilinis din daw sa bahay ng mga kaibigan kahit wala naman sa kaniyang kontrata.

Kapwa nasa pangangalaga na ng Philippine Overseas Labor Office at Overseas Workers Welfare Administration sa Jeddah ang dalawang menor de edad habang inaayos ang pagpapauwi sa kanila.

Ayon sa OWWA, dumarami ang mga menor de edad na nire-recruit at nakalulusot na makapagtrabaho sa ibang bansa.

Nais nila na mapanagot ang mga ahensiyang tumatanggap ng mga menor de edad at ipinapadala sa ibang bansa para magtrabaho.

Samantala, kalbaryo rin ang dinanas ng 45-anyos na OFW na si Raquel Reyes, na tatlong taong naging OFW sa Saudi Arabia.

Bukod sa hindi siya pinapakain ng maayos ng kaniyang amo, labis-labis din ang oras ng kaniyang trabaho, hindi pa siya pinasahod na daang libong piso na katumbas ng limang buwan.

Kaya nang pinagbakasyon siya ng kaniyang amo sa Pilipinas nitong Agosto ay nagpasya siyang hindi na babalik.

Umaasa siya na matutulungan siya ng gobyerno para makuha niya ang kaniyang sahod na kailangang-kailangan umano ng kaniyang pamilya. -- FRJ, GMA News