Inaresto ng mga awtoridad sa Arizona, USA, ang isang mag-asawang Pinoy kaugnay sa pagkamatay ng isang senior citizen habang nasa pangangalaga nila.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing may home-based living facility ang mag-asawang Joseph at Lolita Somera, kung saan namatay ang biktima.

Batay umano sa resulta ng imbestigasyon ng pulisya doon, nakapatay ang air-conditioning system sa nabanggit na pasilidad sa loob ng tatlong araw na pinaniniwalaang nakasama sa kalagayan ng kalusugan ng biktima at namatay.

Inaresto ang dalawa dahil umano sa kanilang kapabayaan at sinusuri na rin ang kanilang immigration status na umano'y kuwestiyunable.

Nakatakdang humarap sa korte ang dalawa.--FRJ, GMA News