Inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magbubukas ng 2,000 hanggang 5,000 trabaho ang bansang Slovenia sa Europe.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Martes ng gabi, sinabing mga household service at skilled workers gaya ng engineers at truck drivers ang kakailanganin.

Maliban sa pagsasalita ng ingles, hindi na raw kakailangan ng aplikante na maging bihasa sa iba pang lengguwahe.

Binubuo na raw ng dalawang bansa ang labor agreement na inaasahang matatapos sa loob ng tatlong buwan.

Bagaman maaari na raw magkaroon ng job orders sa loob ng tatlong buwan,  nais pa rin muna DOLE na magkaroon ng bilateral labor agreement ang Pilipinas sa Slovenia para matiyak na mapoproteksyunan ang mga ipadadalang manggagawang Pinoy doon.

Nang tanungin kung magkano ang magiging sahod ng mga Pinoy sa Slovenia, tugon ni Bello, “ Mataas, definitely higher than what our OFWs are getting in the Middle East and even in Hong Kong.”

READ: DOLE, nagbabala sa publiko vs fake jobs sa abroad na iniaalok via FB

Dahil karaniwang sinasamantala umano ng mga manloloko ang pagkakataon kapag nagkakaroon ng anunsyo ng mga bubuksang trabaho sa ibang bansa, pinayuhan ang publiko huwag basta-basta maniniwala sa mga makikitang alok na trabaho tulad ng mga lumalabas sa social media tulad ng Facebook --FRJ, GMA News