Isang Pinay domestic helper sa Alkhobar, Saudi Arabia ang nasagip mula sa poder ng kaniyang mag-amang amo na ilang ulit umanong nagtangkang halayin siya.
Ayon sa biktima, tinawag siya ng lalaking anak ng kaniyang amo na pumunta sa kuwarto nito para ipakuha umano ang damit na ipaplantsa sa kaniya.
Pero pagpasok niya sa kuwarto, sinunggaban umano siya ng suspek pero nagpumiglas siya kaya hindi natuloy ang masamang balak ng lalaki.
Nakunan pa niya ng video ang anak ng kaniyang amo habang nakahubad nang tangkain nitong abusuhin siya.
Hindi umano ito ang unang beses na pinagtangkaan siya ng suspek dahil ilang beses na rin daw itong pumapasok sa kaniyang kuwarto na walang kandado.
Maging ang ama umano ng suspek ay pinagtangkaan na rin siyang abusuhin noong bago pa lang siyang namamasukan pero nanlaban din siya.
Ngunit hindi na umano niya matiis ang kahalayan ng mag-amang amo kaya humingi na siya ng tulong para makaalis na sa mga ito.
Nakarating sa kaalaman ng mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas ang insidente at nakipag-ugnayan ito sa mga lokal na awtoridad kaya nasagip ang Pinay.
Patuloy pa ang imbestigasyon para masampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.
Samantala, umabot na sa 395 distressed OFWs sa Saudi Arabia ang naiuwi sa Pilipinas sa loob lang ng halos dalawang buwan, ayon sa Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Sinabi ni Labor Attache Nasser Mustafa, na 59 distressed Pinoys pa mula sa Riyadh ang inaasahang darating sa bansa ngayong Huwebes ng umaga.
Ang naturang grupo ng OFWs ay pinagkalooban din umano ng exit visa ng Saudi Ministry of Labor. Naisagawa ito matapos umanong bumisita roon noong Agosto sina Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac.
Mayroon pa umanong 220 OFWs ang pinoproseso ang exit visa ng Saudi Labor Ministry.
Gayunman, may limang OFW ang hindi pinayagang makabalik ng Pilipinas dahil may mga kinakaharap na kaso.
“Lima po sa kanila ang na offload dahil sa nakita na may police case sila, nahabol ng mga amo nila. Sisikapin po nating maayos ang kanilang mga kaso para makauwi sila sa lalong madalingpanahon," pangako ng opisyal.-- FRJ, GMA News
