Wala pang kompletong detalye sa nangyaring pagpatay sa isang Pinay domestic helper na umano'y kagagawan ng kaniyang amo sa Kuwait pero lumilitaw na nabasag ang ulo nito.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing OFW na si Jeanelyn Villavende, na pinatay sa Kuwait nitong Disyembre 30.
Nakakulong na umano ang mag-asawang amo ni Villavende, na nais ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na managot sa ginawa sa OFW.
Giit ng kalihim, labag sa kasunduang pinirmahan ng Pilipinas at Kuwait noong 2018 ang patuloy na pang-abuso at karahasan sa mga Pilipinong nagtatrabaho doon.
Dagdag ni Locsin, pinatawag niya ang embahador ng Kuwait sa Pilipinas para iparating ang pagkadismaya ng gobyerno sa nangyari.
Sinabi ni Locsin na nakasalalay ang pagkakaibigan ng Pilipinas at Kuwait sa katarungan para sa pinatay na OFW.
"The friendship between your country which gives our people the jobs they cannot find at home and our people whose faithful service make the life of your people easier depends on justice being done the murdered maid. An eye for an eye, a life for a life," saad ni Locsin sa isang post niya sa Twitter.
“The friendship between your country which gives our people the jobs they cannot find at home and our people whose faithful service make the life of your people easier depends on justice being done the murdered maid. An eye for an eye, a life for a life. pic.twitter.com/jPUKmtOFfl
— Teddy Locsin Jr. (@teddyboylocsin) December 31, 2019
Binasag daw ang ulo ni Villavende kaya gusto niya ang ulo ng asawa ng employer na sinasabing nasa likod ng krimen.
Ayon naman sa mga kaanak ng biktima, nagtungo sa Kuwait si Villavende noong nakaraang Hulyo dahil nais nitong maiahon ang pamilya sa kahirapan.
Pero nag-alala raw sila nang hindi na nila gaanong makausap si Villavende simula noong nakaraang Oktubre. At tuwing kakausapin daw nila ang biktima, lagi raw nitong kasama ang among babae.
Nitong Disyembre 31 daw nila nalaman ang balitang patay na ang biktima.
Kinondena rin ng Malacañang ang ginawang pagpaslang sa OFW na malinaw na paglabag daw sa nilagdaang kasunduan noong 2018 na titiyakin ng pamahalaan ng Kuwait ang kaligtasan ng mga OFW doon.
"We consider Jeanelyn's tragic death a clear disregard of the agreement signed by both our country and Kuwait in 2018, which seeks to uphold and promote the protection of the rights and welfare of our workers in Kuwait,” saad ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa pahayag.
Tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na magbibigay sila ng ayuda ang sa mga naulila ng biktima.-- FRJ, GMA News
