Umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga OFW na may trabaho sa China pero stranded sa Pilipinas na payagan na silang makaalis ng bansa upang hindi sila mawalan ng trabaho.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing walang ahensya ng gobyerno ang makapagbigay ng bilang kung ilang OFW ang stranded ngayon sa bansa at hindi makabalik sa trabaho dahil sa travel ban.

Pero sa listahan palang umano ng Philippine Community of Guangzhou, isang organisasyon ng mga Pinoy sa Guangzhou, Chaina, sinabing umaabot ito sa 160 OFWs.

Marami raw sa mga ito ang nagbakasyon dahil sa spring festival o Chinese new year. Dapat na babalik na sila sa trabaho noong Enero 31, na extend hanggang Pebrero 10.

Pero dahil bumalik na raw ang sitwasyon sa Guangzhou, kailangan na ring makabalik sa trabaho ang mga nakabakasyong OFW at kung hindi ay maaari silang masibak, lalo na umano ang mga musician at teacher.

"Kasi po puwede silang palitan nung mga nandun na either Filipinos or other foreigners na nagtatrabaho sa China," ayon kay  Norman Hhipolito, presidente ng Philippine Community of Guangzhou.

"Normally mga bread winners 'yung majority dito. Kapag nawalan ng trabaho, na stranded dito mahirap na makahanap dito ng trabaho," dagdag niya.

Kabilang sa mga nag-aalala na mawalan ng trabaho si Anna Cormanes, 13 taon nang english teacher sa China, at nagbakasyon sa Ormoc City.

Aniya, dapat makabalik na siya Mainland China dahil mismong Bureau of Education na umano ng Guangzhou ang nag-utos nito.

"Kung wala kami doon they will be forced to find to substitute in our behalf so that so they can function well so there's a risk of losing our job," pahayag niya.

Sumulat na raw sila kay Pangulong Duterte para umapela na hayaan nang makabiyahe ang mga stranded na OFW. Pero dahil hindi lang nila alam paano ito maipapaabot sa pangulo, idinaan na rin nila sa media ang kanilang panawagan.

Sa isang panayam kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi ng kalihim na oobserbahan pa nila ang sitwasyon sa loob ng dalawang linggo bago payagang makaalis ang mga OFW.

Sinabi naman ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles, batid ng Palasyo ang kalagayan ng mga OFW at papayagan nilang makabiyahe ang mga ito kapag natiyak na ang kanilang kaligtasan kapag umalis.

Dapat din umano na magarantiyahan muna ng China na mapapangalagaan ang kalusugan ng mga OFW. --FRJ, GMA News