Nagpaplano umano ang liderato ng Taiwan na gumanti sa ipinatupad na travel ban ng Pilipinas, ayon sa pinuno ng Manila Economic and Cultural Office (MECO).

Sa panayam ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi ni MECO Chairman Lito Banayo,  kinatawan ng Pilipinas sa Taiwan, na nagpatawag ng special Cabinet meeting ang Presidente ng Taiwan na si Tsai Ing-wen, para talakayin ang ipinatupad na travel ban ng Pilipinas.

Nitong Martes, inanunsyo ng Department of Health na kasama na ang Taiwan sa mga lugar na sakop ng travel ban, bukod sa China, Hong Kong at Macau.

Ipinatupad ang travel ban bunga ng pagkalat ng novel coronavirus. Dahil dito, pansamantalang hindi na papayagan ang pagbiyahe mula sa Taiwan.

Ang mga uuwing Filipino mula sa Taiwan ay kailangan namang sumailalim sa quarantine.

Ayon kay Banayo, ikinagalit ng Taiwanese government ang ginawa ng Pilipinas dahil sa paniwala na bunga ito ng tinatawag na "One China Policy."

Itinuturing ng China na "rebeldeng" lalawigan nila ang Taiwan.

Dahil dito, nabahiran na rin umano ng usaping politikal ang isyung pangkalusugan na dulot ng coronavirus.

“Ito po yung sa possible retaliatory measures. Imagine kung hindi nai-renew ang kanilang work contracts or ipagbawal ‘yung factories dito ay magbawas ng Pilipino… those are possible retaliatory measures,” saad ni Banayo.

Dagdag pa ng opisyal, maaaring tanggalin sa trabaho ang mga Pinoy at palitan ng ibang nasyunalidad.

Nitong Lunes, ipinaliwanag ni Health Undersecretary Eric Domingo ang dahilan ng pagsama ng Taiwan sa travel ban.

“When we asked the World Health Organization very, very clearly, they always refer to just one China, and Taiwan is included, even in their official reports,” anang opisyal.

Giit ni Banayo, hindi naman kasama ang Taiwan sa inilabas na unang travel advisory.

“Hindi naman sila kasama doon sa naunang travel advisory no’ng February 2. Ngayon, dinagdag sila, lumalabas [na] ang dahilan talaga… ay One China Policy na siyang matinding kinasasama ng loob ng Taiwanese government,” paliwanag ni Banayo.

Gayunman, sinabi ni Banayo na hinihiling ng Taiwanese foreign affairs officials sa mga miyembro ng Gabinete na huwag ituloy ang planong pagganti dahil pag-aaralan ng pamahalaan ng Pilipinas ang sitwasyon sa mga susunod na araw.

“Batay sa usapan namin ni Executive Secretary [Salvador] Medialdea at iba pang opisyal, magrere-assess sila ng situation diyan sa atin. Magme-meet ulit within two or three days,” ayon kay Banayo.

Kapag gumanti ang Taiwan, sinabi ng opisyal ng 160,000 Filipinos sa Taiwan ang maaaring maapektuhan.

Idinagdag niya na mayroong 100 Pinoy na papunta sa Pilipinas ang stranded sa Taiwan dahil sa travel ban.

Sa Pilipinas, mayroong  200 pasahero rin na papunta sa Taiwan ang stranded sa paliparan.

Pinapayuhan umano ni Banayo ang mga Pinoy na planong magbakasyon sa Pilipinas na ipagpaliban na muna ang pag-uwi dahil na rin sa travel ban.--FRJ, GMA News