Isa namang OFW ang nakaranas ng pagmamaltrato mula sa kaniyang mga amo sa Saudi Arabia. Ang biktimang kasambahay, puno ng pasa at sugat sa buong katawan at tinahi ang tenga dahil sa sugat.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ng OFW na tatlong buwan pa lang siya sa kaniyang pinapasukan nang simulan siyang saktan ng kaniyang mag-asawang amo.

"'Yung kaunting pagkakamali lang po na hindi ko sinasadya [sasaktan na siya]. Halimbawa, may nabasag ako na baso, tapos 'yung utos nila na hindi ko nausunod po, nakakalimutan ko tapos 'yung mga anak niya, nagsusumbong po kasi," kuwento niya.

Setyembre 2019 nang una siyang humingi ng tulong dahil sa nararanasang kalupitan.  Ilang kapwa-OFW ang nagpadala ng kaniyang larawang puro pasa ang katawan sa kaniyang asawa.

Simula noon, hindi na raw tumigil sa pananakit ang kaniyang mga amo.

Pero nitong Pebrero 7, hindi na raw niya kinaya ang pananakit habang
naglilinis siya sa bahay at biglang tinawag ng among babae.

"Pinalabas po niya ako sa blackroom tapos kumuha po siya ng extension wire po, pinalo niya ako nang pinalo," saad ng OFW.  "Doblehin po nila 'yun tiklupin, ilan 'yun tapos 'yung pinakasaksakan po, tumatama po dito po lahat po sa katawan ko po."

Nagalit daw ang amo dahil nang hindi niya sinasadyang nabasa ang isang carpet. At nang dumating ang mister ng amo, sinaktan din siya.

Nang makahanap ng pagkakataon, tumakas na biktima. Mabuti na lang umano na may isang Arabo ang tumulong sa kanya at dinala siya sa ospital.

Ito na rin ang pagkakataon na naiparating niya sa kaniyang pamilya ang kaniyang sinapit.

Ang mister ng OFW, sinabing humingi na siya noong Setyembre ng tulong sa agency pero sinabihan daw siya na walang basehan ang reklamo.

Lumapit din daw siya sa Philippine Overseas Employment Administration pero sinabihan daw siya na bumalik na lang.

Ngayon, ang tanging hangad niya ay matulungan ang kaniyang asawa na makauwi ng bansa.

Kinondena naman ni Joanna Concepcion,  ng grupong Migrante, ang insidente at sinabing dapat magalit ang gobyerno ng Pilipinas sa ginawang pagtrato sa OFW.

Ayon naman sa Labor Secretary Silvestre Bello III, nahuli na ang employer ng OFW pero nakapagpiyansa ito kaya magkakaroon ng panibagong imbestigasyon.

Tiniyak din ng kalihim na tuloy-tuloy rin ang pagbibigay nila ng tulong sa biktima.

Sinisikap pa ng GMA news na makuha ang panig ng agency ng OFW.--FRJ, GMA News