Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes na 607 na ang kabuuang bilang ng mga Pilipino sa abroad na dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa Twitter post, sinabi ng DFA na 13 kaso ng COVID-19 ang nadagdag sa listahan ng overseas Filipinos na positibo sa virus.

Nakapagtala ng tig-anim na bagong kaso ng mga Pinoy na may COVID-19 sa Europe at Americas, isa sa Asia Pacific Region, at wala sa MiddleEast/Africa.

Apat na pasyente na pawang nasa Americas ang nadagdag sa listahan ng mga nasawi para sa kabuuang bilang na 71.

Nadagdagan naman ng pito ang mga gumaling para sa kabuuang bilang na 171.

 

 

Sa mahigit isang milyong katao sa mundo na tinamaan na ng COVID-19, pinakamarami nito ay nasa Americas na mahigit 400,000, at mahigit 14,000 sa kanila ang nasawi.

Sa Pilipinas, sumampa na sa mahigit 4,000 ang kaso ng COVID-19, mahigit 200 na ang nasawi.--FRJ, GMA News