Umabot na sa 990 Pinoy sa abroad ang nahawahan ng COVID-19 mula sa 42 bansa at teritoryo sa mundo na apektado ng pandemic.
Sa ulat ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes, sinabing 143 na Pinoy sa abroad ang nasawi dahil sa mga komplikasyong dulot ng virus.
Pinakamarami sa mga nasawi ang nasa Americas na may bulang na 82, samantalang 50 naman sa Europe, siyam sa Middle East/Africa, at dalawa sa Asia Pacific Region.
Pinakamarami naman sa nahawahang Pinoy sa abroad ay nasa Europe na 351, sunod ang Asia Pacific Region na 274, habang mayroon namang 209 kaso sa Americas, at 156 sa Middle East/Africa.
Umabot naman sa 263 ang gumaling at 584 pa ang patuloy na ginagamot.
(1/2) Of the 42 countries and regions with confirmed COVID-19 cases, the DFA as of today reports a total of 6 new cases, 4 new recoveries, and 3 new deaths in the Americas, Europe, Asia and the Pacific, and Middle East/Africa. pic.twitter.com/wJPe8nFBic
— DFA Philippines (@DFAPHL) April 20, 2020
Habang patuloy ang krisis sa mundo dahil sa virus, patuloy naman ang pag-uwi sa Pilipinas ng mga OFW at Pinoy seafarers na naapektuhan ang mga trabaho.
Ayon sa DFA, umabot na sa 18,000 na mga marino at OFWs ang kanilang mga natulungang mabalik ng bansa.
Nitong Lunes, 867 na marino mula sa Florida, USA ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Ang mga dumating na marino na sasailalim sa kaukulang quarantine ay mula umano sa mga barko na Norwegian Pearl, Sky, Star, Sun, at Escape. --FRJ, GMA News
