Nagbitiw na sa kaniyang puwesto ang chief executive officer ng isang tech-based company sa San Francisco, California na nag-viral dahil sa kaniyang racist na mga pahayag laban sa isang pamilya ng mga Filipino na nagdiriwang ng kaarawan sa isang restaurant doon.
Sa isang artikulo ng San Francisco Chronicle, sinabing nagbitiw si Michael Lofthouse sa kaniyang puwesto noong nakaraang linggo bilang CEO ng Solid8, isang Los Gatos information technology strategy company.
Sa nag-viral na video, makikita ang ginawang pag-alipusta ni Lofthouse sa mga Pinoy na tinawag niyang "Asian pieces of sh-t" at nag-dirty finger pa.
“I can confirm that I have stepped down from Solid8, terminating all business relationships with immediate effect,” saad ni Lofthouse sa isang pahayag.
“I will make it my duty to ensure my personal actions do not continue to have a detrimental impact on those people closest to me,” dagdag niya.
BASAHIN: Magkakaanak na Pinoy, naging biktima ng racism sa California, USA
Sa ulat ng GMA News’ “24 Oras” noong nakaraang linggo, makikita si Lofthouse na nakaupo muna sa harap ng lamesa at tinititigan ang mga Pinoy at nag-dirty finger.
Sabi ni Lofthouse sa pamilya, "Trump's gonna f--k you" at iginiit na dapat na raw umalis na ang mga ito.
Ayon kay Raymond Orosa, isa sa mga Pinoy sa lugar, ipinagdiriwang nila ang kaarawan ng kaniyang asawa sa restaurant nang biglang gumawa ng eksena si Lofthouse.
Sa 26 na taon niya sa Amerika, ito raw ang unang pagkakataon na nakaranas siya ng racism.
Kaagad namang ipinagtanggol ng tauhan sa restaurant ang mga Filipino, at pinaalis si Lofthouse.— FRJ, GMA News
