Kailangang magpakita ng sertipikasyon na negatibo sa COVID-19 ang mga Pinoy na magpupunta sa Hong Kong. Ang mga magbibigay ng maling impormasyon, pagmumultahin at puwedeng makulong.

Ang naturang pagsusuri sa COVID-19 ay kailangang nucleic acid test at hindi rapid test, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes.

Dapat umanong ginawa ang COVID-19 test sa loob ng 72 oras o tatlong araw bago ang kaniyang biyahe.

ADVERTISEMENT

Kailangang ipakita rin ng bibiyahe ang original test result na may pangalan niya, na siyang nakalagay din sa kanilang ID o passport number.

Dapat may kalakip din na sulat mula sa mga awtoridad na magpapatunay na lehitimo ang isinagawang laboratory COVID-19 test.

Dapat mayroon din ding katinayan ang bibiyahe ng kaniyang hotel booking sa Hong Kong ng hanggang 14 na araw.

Ang naturang mga patakaran ay ipinatupad ng pamahalaan ng Hong Kong bilang bahagi ng kanilang programa upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Ang mga hindi umano susunod sa naturang mga patakaran ay hindi papayagang makapasok sa Hong Kong.

Ang mga magbibigay naman ng maling impormasyon ay maaaring pagmultahin ng P65,000 at anim na buwan na pagkakakulong. —FRJ, GMA News