Isang kawani ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Jeddah, Saudi Arabia ang pumanaw dahil sa komplikasyon sa COVID-19.

Inihayag ito ni Labor Attaché Nasser Munder sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules.

Ayon kay Munder, nagnegatibo pa sa unang swab test ang kawani pero kinalaunan ay nakaramdam na ng mga sintomas ng sakit.

Pumanaw umano ang naturang kawani habang nakaratay sa ospital.

May dalawa pa umanong kawani ng POLO ang dinapuan din ng virus pero mapalad na gumaling.

Dahil na rin sa pagkakaroon ng COVID-19 ng mga kawani ng POLO, pansamantalang nakasara ang tanggapan nito sa Jeddah hanggang sa unang linggo ng Agosto para isagawa ang disinfection.

Gayunman, patuloy naman umano ang pagkakaloob ng financial assistance sa OFWs, ayon pa kay Munder.

Sa ulat ng Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules, sinabing tumaas pa ang bilang ng mga Pinoy sa abroad na tinapuan ng virus na umabot na sa 9,165, makaraang madagdagan ng 20 bagong kaso.

 

 


Samantala, nadagdagan naman ng dalawa ang mga nasawi para sa kabuuang bilang na 647.

Nanatili naman sa 5,369 ang bilang ng mga gumaling, at 3, 149 ang patuloy na ginagamot. --FRJ, GMA News