Isang cargo ship na may sakay na mga tripulanteng Pinoy at halos 6,000 baka ang lumubog sa karagatan ng Japan. Sa 39 na Pinoy na sakay ng barko, isa pa lang nasasagip.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nagpadala ng distress call ang Gulf Livestock 1 nitong Miyerkules ng madaling araw sa posisyong 185 kilometres (115 miles) west ng Amami Oshima island sa Japan.
Kinalaunan, isang 45-anyos na Pinoy ang nasagip ng Japanese coast guard, na umano'y chief officer ng barko. Aniya, nagsuot siya ng life jacket at tumalon sa dagat matapos magbibigay ng babala sa barko.
Sa inilabas na pahayag ng coast guard, sinabing nagloko ang makina ng barko at hinampas ito ng malaking alon na dahilan ng paglubog.
Hindi pa batid kung saan lumubog ang barko pero wala na umanong nakitang ibang kapwa tripulante ang nakaligtas na Pinoy habang naghihintay siya ng sasagip sa kaniya.
Tatlong coast guard vessels, limang eroplano at specially trained divers ang nagsasagawa umano ng search-and-rescue operation.
Bukod sa 39 Pinoy crew, may sakay umano sa barko na dalawang New Zealanders at dalawang Australians, at 5,800 baka. --AFP/FRJ, GMA News
