Hiniling ng isang senador sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na alisin na ang deployment ban sa mga health care worker sa harap ng nagaganap na COVID-19 pandemic.
Sa sulat na ipinadala ni Senador Risa Hontiveros kay IATF chairperson at Health Secretary Francisco Duque III, at kay IATF co-chairperson Karlo Nograles nitong Martes, sinabi ng mambabatas na dapat payagan nang makapagtrabaho sa ibang bansa ang mga health worker para hindi masayang ang mga ginastos at ginawang paghahanda ng mga ito.
"Hindi lang oras ang inilaan ng ating mga kababayan para lang makapag-abroad. Marami ang nangutang, nagbenta ng ari-arian para lang masuportahan ang pangarap. They must be allowed to leave," giit ni Hontiveros sa pahayag.
Sinabi rin ng mambabatas na dapat magbigay ng mataas na sahod ang pamahalaan para sa mga health worker para hindi na sila umalis ng bansa.
Batay umano sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), sinabi ni Hontiveros na nasa P8,000 hanggang P13,500 lamang ang entry level salary ng mga nurse sa Pilipinas.
"Hindi puwedeng pipigilan natin silang umalis, pero hindi natin sila bibigyan ng dahilan para mag-stay," sabi ni Hontiveros.
"Kung naaalagaan ang kapakanan nila, hindi na kailangan ng deployment ban sa mga susunod na taon. Mas mapapalakas din natin ang ating pampublikong kalusugan dahil mas maraming health workers ang pipiliing manatili sa bansa," patuloy niya.
Una rito, sinabi ng Palasyo na ipinatupad ang deployment ban ng mga health worker upang mapangalagaan ang kanilang kaligtasan at matugunan din ang pangangailangan ng bansa sa mga health worker ngayong panahon ng pandemic.
Sa inilabas na abiso ng Philippine Overseas Employment Administration nitong June 2, ang mga healthcare worker na papayagan lang na makaalis para magtrabaho ay: "returning workers with OEC exemption certificates; new hires with contracts signed before March 8 and with OECs; at seafarers who were previously hired as doctors and nurses and will be deployed by the same licensed manning agency."--FRJ, GMA News

