Bumawi ang remittance o perang padala ng mga Pinoy abroad nitong Setyembre, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Lunes.

Sa isang pahayag, sinabi ng BSP na ang personal remittances na umabot sa $2.888 bilyon nitong Setyembre 2020 ay mas mataas ng 9.1 porsiyento sa $2.648 bilyon na naitala sa kaparehong panahon noong 2019.

Ang cash remittances o money transfers sa mga bangko ay lumago ng 9.3% sa $2.601 bilyon nitong Setyembre 2020 mula sa $2.379 bilyon ng Setyembre 2019.
Nitong nakaraang Agosto, nagkakahalaga naman ito ng $2.483 bilyon.

Ang personal remittances o kabuuan ng transfers in cash o in kind ay umangat din ng 9.1%  sa $2.888 bilyon mula sa $2.648 bilyon sa kaparehong panahon noong 2019.

Umabot naman ito sa $2.756 bilyon noong nakaraang Agosto.

"This increase was due to the growth in remittances from both land-based ($2.031 billion) and sea-based ($570 million) workers, which rose by 10.2% and 6.5% respectively," ayon pa sa BSP.

Karamihan umano ng cash remittances sa nakalipas na siyam na buwan ay nagmula sa mga Pinoy na nasa United States, Singapore, Qatar, Hong Kong, at Taiwan, na kumakatawan sa 78.8%.

Samantala, naitala naman ang pagbaba ng remittances mula sa Saudi Arabia, the United Arab Emirates, Germany, Kuwait, at United Kingdom.

Dahil sa COVID-19 pandemic, libu-libong OFWs ang napilitang umuwi sa Pilipinas matapos maapektuhan ang kanilang mga trabaho.—FRJ, GMA News