Nag-alok ang Philippine Airlines (PAL) ng libreng RT-PCR tests sa mga babalik na overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Middle East ngayong kapaskuhan.

Itinakda ang libreng RT-PCR tests mula December 21 hanggang 31, 2020. Ayon sa PAL, lalabas ang resulta ng test sa loob ng 24 oras mula sa kanilang pagdating.

“Land-based OFWs and their dependents departing from Dubai, Doha, Dammam, and Riyadh, and Bahrain may now avail of PAL's own One-Stop Shop (OSS) facility for their complimentary RT-PCR tests upon arrival,” anang airline company.

Sinabi ng PAL na mas magiging mabilis ang quarantine period ng uuwing OFW kung mabilis na lalabas na ang RT-PCR test sa loob lang ng isang araw kumpara umano sa iba na umaabot ng hanggang limang araw.

Ang paglibre sa RT-PCR test ay isang paraan umano ng airline para pasalamatan ang mga tinatawag na "modern-day heroes.”

“The quick release of results will allow our modern-day heroes to maximize the time they spend with their families during the Christmas and New Year season,” anang PAL.

Ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) pa rin ang sumasagot sa quarantine hotel accommodations ng mga umuuwing OFWs.

Upang mapakinabangan ang alok ng PAL, kailangang magparehistro ang uuwing OFW sa electronic Case Investigation Form (eCIF), tatlong araw bago ang kanilang lipad pauwi sa https://bit.ly/MNLPALeCIF.— FRJ, GMA News