Nilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III na puwede pa ring umuwi sa bansa ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na manggagaling sa mga bansang may mga kaso na rin ng bagong variant o uri ng COVID-19.

Ginawa ni Bello ang paglilinaw sa virtual press briefing nitong Martes, matapos palawigin pa ang mga bansang sakop ng travel restrictions dahil sa bagong virus na unang nakita sa Unite Kingdom.

“Our president [Rodrigo Duterte] said, ‘Our OFWs should be allowed to return’,” ani Bello.

Ang mga uuwing OFW ay kailangang sumailalim sa mandatory 14-day quarantine kahit pa nauna na silang nagnegatibo sa test sa virus.

Sinabi ni Bello na nasa 60,000 hanggang 100,000 OFWs ang inaasahang uuwi sa Pilipinas.

Maliban sa mga Filipino, hindi na papayagan ang mga pasahero na makapasok sa Pilipinas na manggagaling mula sa mga sumusunod na bansa:

United Kingdom
Switzerland
Denmark
Hong Kong
Singapore
Ireland
Japan
Germany
Australia
Iceland
South Africa
Italy
Israel
Spain
Netherlands
Lebanon
Canada
Sweden
France
South Korea


Sisimulan ang travel ban sa December 30, 2020 hanggang January 15, 2021.--FRJ, GMA News