Patay na nang matagpuan ang overseas Filipino worker (OFW) na nawawala noong pang Marso sa United Arab Emirates , ayon sa Department of Labor and Employment.

Sa virtual press conference nitong Lunes, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na naiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ng biktimang ni Mary Anne Daynolo.

Magsasagawa naman ng awtopsiya ang National Bureau of Investigation sa mga labi ni Daynolo sa hiling na rin ng pamilya ng OFW.

Ayon kay Bello, ngayong Enero lang natagpuan ang mga labi ni Daynolo matapos umamin ang isang Ugandan sa ginawa niyang pagpatay sa biktima.

Ang salarin na rin ang nagturo sa mga awtoridad kung saan niya inilibing ang bangkay ng OFW.

“Itong January lang, may nakitang advanced stage of decomposition na labi ng isang tao na sa tingin nila ay labi ni Mary Anne Daynolo,” ani Bello.

“Mabuti naman sa pagsisiyasat ng mga police authorities sa Abu Dhabi ay natunton nila itong isang Ugandan at siguro dahil sa masusing pag-imbestiga ng police authorities doon, napaamin nila itong Ugandan na ‘to at inamin niya na pinatay niya si Mary Anne sa pamamagitan ng pagtusok sa kaniyang leeg ng isang kutsilyo,” ayon pa sa kalihim.

Receptionist sa isang hotel sa Abu Dhabi si Daynolo at idineklara siyang nawawala noong Marso 4, 2020 nang hindi na siya pumapasok sa trabaho.

Tiniyak naman ni Bello na pananagutin ng pamahalaan ng UAE ang pumaslang kay Daynolo.

“Justice must be given to Mary Anne and to the parents of Mary Anne,” sabi ni Bello.

Nangako rin ang Malacañang na titiyakin nilang mabibigyan ng katarungan ang sinapit ng OFW.

“Ang pangako po ng Presidente mabibigyan po ng hustisya at katarungan ang pagkamatay ng ating kababayang si Mary Anne Daynolo,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

Nang tanungin kung kailangang repasuhin ng Pilipinas ang OFW deployment sa UAE, tugon ni Roque; “Ang ating pangako po ay hindi naman po tayo magkukulang sa pagbibigay ng kumbaga education sa ating mga kababayan kung ano ang dapat at hindi dapat gawin habang sila ay nasa abroad at patuloy po ang pagbibigay natin ng serbisyo kung sila po ay maging biktima ng krimen sa ibang bansa,” paliwanag niya.--FRJ, GMA News