Tinatayang nasa 30,000 Filipino sa Israel ang libreng tinurukan ng COVID-19 vaccine, ano man ang kanilang immigration status, ayon sa kanilang embahada sa Manila.

Kabilang sa mga nabigyan ng first dose ng Pfizer vaccines ay ang mga Filipino caregiver, 400 agriculture students, at kawani  ng Philippine Embassy sa Israel.

Maging ang mga Pinoy na napaso na ang working permit ay libre ring nakatanggap ng vaccine shots.

"As part of the successful vaccination campaign, Israel’s Ministry of Health (MOH) has vaccinated for free anyone who is in Israel, regardless of their citizenship status or whether or not they have insurance," ayon sa pahayag ng kanilang embahada nitong Miyerkules.

Ang libreng COVID-19 vaccine ay paraan daw ng pasasalamat ng Israel sa mga manggagawang Pinoy na nasa kanilang bansa, sabi ni Israeli Ambassador to the Philippines Rafael Harpaz.

“Israel is thankful for the Filipino caregivers for helping the elderly and the disabled Israeli citizens during the COVID-19 outbreak. For many years, the Israeli government has been providing the Filipino caregivers with full access to the advanced medical services of our country,” pahayag ng opisyal.

Nangunguna ang Israel sa mga bansa pagdating sa vaccination program laban sa COVID-19. Sa kanilang populasyon na 9.3 milyon,  nagawa na nilang maturukan (kahit first dose) ang 5.2 milyon katao.

Nasa 4.2 milyon naman ang nakatanggap na ng dalawang dose ng Pfizer.—FRJ, GMA News