Umalma ang maraming OFW sa Gitnang Silangan sa lumabas na balita na naglilimita hanggang 1,500 lamang kada araw ang papayagang umuwi ngayong papasok na summer.

Karamihan sa kanila ay nagtatanong kung bakit ang mga OFW daw ang maaapektuhan sa problema gayung hindi naman umano sila ang nagdadala ng coronavirus sa Pilipinas.

Sa ilang screenshot ng comments ng mga OFWs sa Facebook page ng Kaagapay ng Bawat OFW naglabas ng Kani kanilang saloobin sa lumabas na balita.

Sinabi OFW Aunzo Utbo Aldaya Bhemz, hindi naman daw ang mga OFW ang nagpataas ng bilang ng mga nagka-COVID-19 kundi ang mga  mamayan daw sa atin na pabaya. 

OFW daw ba talaga ang nagdudulot ng pagtaas ng bilang na nagkakasakit o mga reckless daw na kababayan natin sa Pilipinas, tanong naman ng OFW na si Susan Alano Hermogeno.

Mga umaayon 

Samantala, mga mga ilan na umaayon sa paglilimita  ng mga uuwi tulad ni Marivic Husain Jaron ay mas mabuti raw na may limit sa pag-uwi dahil para din naman daw sa lahat na maging safe pagdating sa Pilipinas.

"Mas mabuti po at kapakanan ng nakakarami ang iniisip ng ating gobyerno at hindi naman daw matagalan ang paglimita ng  mga uuwi," pahayag naman ng OFW na si Thelma Pelisan Montederamos.

Ilan sa mga nakausap ng GMA News ay excited na makauwi pero nag-aalala na baka ma-cancel ang kanilang flight tulad ng OFW na si Bhe May Florano na nag tatrabaho bilang kasambahay sa Hail, isang probinsya sa Saudi Arabia.

"Excited na po ako umuwi dahil two years and two months na ako, March 28 po

ang flight ko. Gusto ko na umuwi, kabado ako sir, 'yan ang inaalala ko sir (sa balitang lilimitahan ang mga uuwing OFW)."

Ganon pa man ay nauunawaan naman daw nya kung bakit ginagawa ng ating gobyerno ang paglilimita ng mga uuwi.

Ganon din si Maybelle Bulan Dumolpan, isang kasambahay na nagtatrabaho sa Tabuk, isang probinsya sa Saudi Arabia na nakatakdang umuwi sa April 15.

"Nalukungkot po ako sa balita, kasi lahat ng mga OFW na end-contract gustong umuwi sa Pinas," ayon kay ni Dumolpan.

Ganon pa man wala umano syang magagawa kung yun ang kautusan ng ating pamahalaan.

Sa panayam ng GMA News kay OWWA Administrator Hans Cacdac, sinabi nito na 1,500 OFWs kada araw ang pinayagan na makauwi ng Pilipinas mula March 20 hanggang sa April 19.

Aniya, "Gawa ng tumataas na bilang ng insidente ng COVID-19 cases Lalo na rito sa kalungsuran, Metro Manila, and then yung mga kaso na nagmumula sa mga dumarating from abroad, hindi mo maipagkakaila, pero bagama't ganon ay pwede ang OFW 1,500 a day pero yung mga non-OFW at mga foreigner hindi muna pwde ang exemption talaga as always mga mahal nating OFWs 1,500 a day."  

Pinayuhan ni Cacdac ang mga OFW na ipagpaliban muna ang pag-uwi dahil sa sitwasyon ngayon sa ating bansa.

Nilinaw din ni Cacdac na amd Emergency Repatriation Fund (ERF) ay malapit nang maubos at hindi ang OWWA Trust fund.

"Gusto kong klaruhin hindi OWWA Trust Fund ang usapan natin dito, eto yung Emergency Repatriation Fund na iginawad ng Kongreso at ng ating mahal na pangulo na P6. 2 billion para sa buong taon," pahayag ni Cacdac.

Ipinaliwanag din niyang na ang ERF, ang ibig sabihin daw ay both transport, accommodation ng returning OFWs.  Nanganib daw ang kanilang pondo dahil humaba ang araw ng quarantine ng mga umuwing OFWs nitong nakalipas na dalawang buwan.

Dagdag pa ni Cacdac, ang mga araw na inilalagi ngayon ng mga umuwing OFW sa hotel quarantine ay apat na beses daw na tumagal o na extend at ang resulta nyan ay tatlo o apat na beses na lumaki ang gastos sa hotel.

Sinabi din ni Cacdac na nitong nakaraang buwan ay nakapag-request na daw si Secretary Bello ng pondo sa Department of Budget and Management. 

"P9.8 billion ang kakailanganin natin kung magpatuloy ang trend na ito until the end of this year. Ibig sabihin yung trend una ang banta ng COVID-19. Ikalawa, yung protocol na six days swabbing kung saan eight to nine days ang ilalagi sa hotel ng OFW, " ayon kay Cacdac.

Dagdag nya, sagot pa rin ng OWWA ang bayad sa quarantine, swab test, at pag-uwi sa probinsya ng mga uuwing OFWs.  —LBG, GMA News