Kaniyang viral video, umiiyak na nagmakaawa ang isang Pinay na overseas Filipino worker (OFW) na makauwi na sa bansa matapos siyang ikulong at paulit-ulit na pagsamantalahan umano ng kaniyang amo sa Saudi Arabia.
Sa ulat ni Lilian Tiburcio sa "Stand For Truth," sinabing nag-viral ang paghingi ng tulong ng 30-anyos na si Rica, hindi niya tunay na pangalan, na nag-abroad noong 2015, at nagsimulang pagsamantalahan ng kaniyang amo noong 2017.
"Matagal na ako ginagamit ng amo ko. Tulungan niyo naman po ako," panawagan ng OFW.
Hindi agad sinabi ni Rica sa kaniyang pamilya sa Cagayan ang pang-aabuso sa kaniya ng amo dahil ayaw niya silang mag-alala, lalo ang kaniyang ina na may sakit sa puso.
Bukod dito, kinumpiska rin ng amo ni Rica ang kaniyang cellphone kaya patago siyang nakikipagkomunikasyon sa kaniyang pamilya.
Naikuwento rin ni Rica ang nangyari sa kaniya sa kaniyang nobyo.
"Kung saan po siya nakikita na naglilinis sa loob ng bahay, doon po siya ginagamit. Wala po siyang magawa kasi lagi pong pinapakita 'yung baril, may baril daw po kasi 'yung amo niya," ayon sa nobyo ng OFW.
Maliban sa pang-aabuso, hindi rin pinapayagang lumabas ng bahay si Rica, wala siyang day-off at minsan na rin siyang pinagbuhatan ng kamay ng employer.
Hindi rin daw ibinibigay ng employer ang naipong pera ng OFW.
Ayon sa pamilya ni Rica, na-rescue na ang biktima mula sa mapang-abusong employer at nasa kostudiya na siya ngayon ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).--FRJ, GMA News

