Nakahanda ang Pilipinas na ilikas ang mga Filipino na nais umuwi ng Pilipinas dahil sa nagpapatuloy na sagupaan ng Israeli forces at Hamas militants sa Gaza, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa inilabas na pahayag ng DFA nitong Huwebes, sinabing nasa Alert Level 1 ang Israel and West Bank , habang nakataas ang Alert Level 2 sa Gaza.

"The DFA is on standby with evacuation plans ready to be activated as needed and as soon as the borders open and a humanitarian corridor is established," anang DFA.

Mayroong 29,473 na Filipino sa Israel at 91 naman sa Gaza.

Sa Alert Level 1, hindi pa kailangang ilikas ang mga Pinoy sa lugar pero pinapayuhan silang mag-ingat dahil sa nangyayaring kaguluhan.

Samantalang pinapayuhan naman sa Level 2 ang mga tao na limitahan ang pagkilos, iwasan ang mga matataong lugar lalo na ang mga may protesta at maghanda sakaling kailanganing lumikas.

Ayon sa DFA, mayroong contingency plan ang mga embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv, Amman at Cairo para tulungan ang mga Pinoy na kakailanganing ilikas.

Magdadalawang-linggo na ngayon na nagpapalitan ng bomba ang magkabilang panig na kumitil na sa buhay ng nasa mahigit 200 Palestinian at 12 Israeli.

Wala pa namang iniuulat ang DFA na Pinoy na nasaktan o nasawi sa nangyayaring kaguluhan doon. —FRJ, GMA News