Luluwagan na ng pamahalaan ng Pilipinas ang quarantine period sa mga uuwing Pinoy na nakompleto na ang dalawang dose ng COVID-19 vaccine simula sa Hulyo 1.

Sa press briefing, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na mula sa dating 10 araw, magiging pitong araw na lang quarantine period sa mga uuwing Pinoy na fully vaccinated na.

Sakop umano ng maigsing quarantine period ang mga Pinoy na manggagaling sa mga "green" o low-risk countries, at mga bansa na mahusay ang pagproseso sa kanilang certificate of vaccination.

“The Department of Health will issue a list of these countries,” ani Roque.

“They (fully vaccinated) will undergo required seven-day facility-based quarantine. Testing will be done on the fifth day,” dagdag niya.

Ikinukonsiderang fully vaccinated na ang isang tao pagkaraan ng dalawang linggo matapos niyang tanggapin ang ikalawang dose ng bakuna.—FRJ, GMA News