Inaasahan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na kakapusin ang natitira nilang P5.2 bilyon supplemental budget para sa quarantine accommodation ng mga umuuwing overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Sa virtual press briefing nitong Biyernes, sinabi ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac na humingi na si Labor Secretary Silvestre Bello III ng dagdag na P7.5 bilyon pondo sa Department of Budget and Management.

Ayon kay Cacdac, "positibo" naman ang tugon ng DBM sa kahilingan at inaayos na lang nila ang ilang dokumento na kailangan para sa dagdag na pondo.

Paliwanag pa ng opisyal, hanggang kalagitnaan na lang Setyembre tatagal ang nalalabing P5.2 bilyong supplemental budget na ginagamit nila sa quarantine accommodation ng mga OFW.

Dagdag ni Cacdac, tumaas ang gastusin nila sa quarantine accommodation dahil pinahaba ng 14 na araw ang pag-quarantine sa mga OFW, gayung pang-tatlong araw lang ang pondo na inilalaan ng OWWA.

“The P7.5 billion, that’s for food, transport, and hotel quarantine accommodation cost,” sabi ni Cacdac.

“Assuming, we have 2,000 arrivals per day until the end of the year, the projected cost from September 16 to December 31, 2021 is P7.5 billion,” patuloy niya. --FRJ, GMA News