Kabilang umano ang mga Pilipino sa mga nasyunalidad ang nagiging biktima ng hate crimes sa Amerika, batay sa ulat ng anti-Asian racism coalition.
Sa Stop Asian American and Pacific Islander (AAPI) national report na may petsang Agosto 12, nakasaad na ang mga Chinese ang may pinagkamaraming insidente ng hate incident (43.5%), kumpara sa iba pang ethnic groups mula Marso 19, 2020 hanggang Hunyo 30, 2021.
Sunod sa mga Chinese national ang mga Korean (16.8%,) at pangatlo ang mga Pilipino (9.1%), na sinundan ng mga Japanese (8.6%), at Vietnamese (8.2%).
Mula Marso 19, 2020 hanggang Hunyo 30, 2021, nakapagtala ng grupo ng 9,081 racist and hate crimes laban sa Asian Americans at Pacific Islanders communities.
Idinagdag ng grupo na tumaas din ang hate incidents mula sa 6,603 noong Abril 2021 sa 9,081 noong Hunyo 2021.
Sa naturang mga insidente, pinakamarami ang verbal harassment cases na 63.7%, sunod ang shunning o avoidance of AAPI na 16.5%.
Ayon kay Philippine Consul General sa New York na si Elmer Cato, posibleng isa sa mga dahilan ng pagdami ng hate crimes ay ang pagbato ng sisi sa mga Asyano sa coronavirus outbreak.
"Since the virus originated in Asia, some people are blaming Asians for the outbreak," anang opisyal.
Nakapagtala ang Philippine Consulate General sa New York ng nasa 18 kaso ng hate crimes laban sa Pilipino ngayong 2021. — FRJ, GMA New

