Nakaalis man sa Afghanistan, hindi pa rin mawala sa isip ng isang overseas Filipino worker ang naiwan niyang alagang aso, na kasama rin niya sa trabaho.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ni security officer Mark Suela na napilitan siyang iwan ang alagang si Tiny, isang bomb-sniffing dog sa Kabul.

Ikinalungkot ni Suela nang sabihin sa kaniya na isang bag lang ang puwede niyang dahil sa kanilang paglikas at hindi niya puwedeng isama si Tiny.

Nakaalis ng Kabul si Suela sakay ng military plane ng British Air Force.

ADVERTISEMENT

“’Yun lang tsaka ’yung passport mo. Wala nang iba. Hindi mo na maga-grab pa ’yung aso,” saad niya.

Kaya wala nang nagawa si Suela kung hindi iwan si Tiny sa pangangalaga ng kaniyang kasamahang Afghan.

Mula nang makontrol ng Taliban ang Afghanistan, itinaas ng Department of Foreign Affairs sa alert level 4 ang sitwasyon doon. Ibig sabihin, mandatory na ang paglilikas sa mga Pilipino na nandoon.

Hindi raw malaman ni Suela kung papaano siya magpapaalam sa alaga, na batid niyang nais sumama sa kaniya.

Naka-quarantine ngayon si Suela sa UK bago siya bumiyahe pauwi ng Pilipinas.

Ipinagdadasal na lang niya na ligtas at maaayos ang kalagayan doon ng mga kaibigan at katrabaho niyang Afghans at ang mahal niyang alaga na si Tiny.

“Hindi pa rin maiwasan ’yung lungkot. Napamahal na kasi. Hanggang picture na lang ako at video ng mga alaala,” pahayag niya.

"Umaasa ako na sana safe siya at walang masamang nangyari sa kanya. Sana may chance pa ulit na makuha siya kung halimbawa lang, maibalik man, makita ko ulit,”  sabi ni Suela– FRJ, GMA News