Sisimulan na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pagproseso upang magpadala ng mga overseas Filipino worker sa mga kalapit na bansa sa Asya--tulad sa South Korea.
“This is a very good news not only to our EPS (entry permit system) workers and their families, but also to the Korean employers who have been waiting for our workers to return,” ayon sa pahayag ni Department of Labor and Employment Secretary Silvetre Bello III.
Ginawa ni Bello ang pahayag matapos ianunsyo ng Ministry of Employment and Labor (MOEL) ng South Korea nitong Biyernes, na papayagan na ang pagpasok sa kanilang bansa ng mga manggagawa sa ilalim ng EPS mula sa iba't ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas.
Inaasahang maisasagawa ito bago matapos ang Nobyembre na magiging magandang balita sa libu-libong manggagawa na naghihintay na makapag-abroad mula pa noong nakaraang taon.
Sa ilalim ng direktiba ng MOEL, kabilang sa rekisito sa mga manggagawa ang full vaccination, at negative RT-PCR test result.
Kasama rin sa post-entry measures ang mandatory quarantine at RT-PCR testing.
Sa bahagi ng Korean Embassy in the Philippines, sinabing hinihintay na lamang ang patakaran mula sa kanilang gobyerno para sa pagpapalabas ng E9 visas sa mga Filipino EPS.
Ayon kay Bello, inatasan niya ang POEA na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang opisyal sa Korea para pag-usapan ang mga proseso at kailangang gawin sa entry at re-entry ng Philippine EPS workers sa Korea.
Natigil ang pagpapadala ng Pilipinas ng mga manggagawang Pinoy sa Korea sa paraan ng government-to-government cooperation agreement noong June 2020 dahil sa COVID-19 pandemic. —FRJ, GMA News

