Walang lusot ang isang lalaki sa Sidney, Ohio na hinatulang ng korte sa Amerika na makulong ng 27 taon. Ang akusado, humihirit ng mga malalaswang larawan ng mga bata na nasa Pilipinas, at mahihirap ang mga ina.

Sa pahayag ng US Attorney’s Office mula sa Southern District ng Ohio, kinilala ang akusado na Charles Lee Frazier, 42-anyos, na lumabag sa kaniyang kasunduan sa paglaya bilang sex offender sa dati niyang kaso.

Inamin ni Frazier nang maghain siya ng "guilty plea" noong Marso 2021 na humirit siya ng child pornography mula sa ilang Pinay na ina sa Pilipinas.

Sinasabing ginamit ni Frazier ang Filipino dating sites para makilala ang mga Pinay na ina na mahirap lang ang buhay sa Pilipinas. Humingi siya ng mga malalaswang larawan ng mga bata kapalit ng pera sa pamamagitan ng Skype chats.

Partikular na hinihingi umano ni Frazier ang mga hubad na larawan ng mga menor de edad na gumagawa ng kalaswaan sa mga kapwa bata, o ng kanilang ina.

Ipinamamahagi raw ng akusado ang mga larawan sa ibang kababaihan bilang halimbawa sa kalalabasan ng nais niyang ipagawa.

Inihayag din ni Frazier ang tungkol sa paggawa ng karahasan sa mga bata.

Nagsimulang magpadala ng pera ang akusado sa Pilipinas mula sa Ohio noong Abril hanggang Hulyo 2019.

Sa isang pagkakataon, nakapagpadala raw si Frazier ng $800 o nasa P40,000 sa isang tao sa Pilipinas para sa mga hubad na larawan ng isang babaeng pitong-taong-gulang.

Nakalista si Frazier na isang sex offender matapos na mahatulan ng korte noong 2011 dahil sa pagtanggap ng malalaswang larawan ng mga bata.

Nahatulan siya noon na makulong ng 84 na buwan.—FRJ, GMA News