Inihayag ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na kasama ang pangalan ng presidential aspirant at dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa overseas ballot para sa May 2022 elections.

Inihayag ito ni Comelec Director Elaiza Sabile David nitong Lunes, matapos na ibasura ng Comelec Second Division ang petisyon na humihiling na ikansela ang  certificate of candidacy (COC) ni Marcos sa 2022 elections.

Idineklara ng Second Division ng Comelec na hindi nakagawa ng misrepresentation si Marcos sa pagsusumite ng kaniyang COC.

"The official list is finalized. His (Marcos) name is there [sa balota para sa overseas voting]," ani David.

Sinabi ni David na tinatayang 1.7 milyon ang rehistradong overseas Filipino voters para sa darating na halalan.

Boboto sila ng kandidato sa pagka-pangulo, bise presidente, mga senador at party-list group.

"The overseas ballot which only lists national candidates is 25 inches," anang opisyal.

Tatlong petisyon na laban kay Marcos ang ibinabura, habang mayroon pang natitirang tatlo--kabila ang ang kumukuwesiyon tungkol sa desisyon ng korte sa umano'y paglabag ng dating senador sa Tax Code nang hindi siya magsumite ng income tax returns mula 1982 hanggang 1985 noong lokal na opisyal pa siya ng Ilocos Norte.

FRJ, GMA News