Hinatulan ng korte ng habambuhay na pagkakakulong ang isang Greek pilot dahil sa pagpatay niya sa kaniyang British-Filipina wife at sa alaga nilang aso noong nakaraang taon sa Athens, Greece.

Napatunayan ng korte na guilty ang akusadong si Babis Anagnostopoulos, 33-anyos na helicopter pilot,  sa lahat ng asunto (premeditated murder, abusing an animal, misleading authorities and perjury), ayon sa head lawyer ng pamilya ng biktima, ayon sa Agence France-Presse.

Ang life sentence sa Greece ay katumbas ng 25 taon, at nadagdag ito ng 10 taon pa sa kaso ni Anagnostopoulos dahil sa pagpatay sa kanilang alagang hayop, at 18 buwan pa sa pagsisinungaling niya sa mga pulis, sabi ni prosecuting lawyer Thanassis Harmanis.

Mayo noong nakaraang taon nang makitang patay ang biktima si Caroline Crouch, ilang linggo makaraang magdiwang ng kaniyang ika-20 taong kaarawan sa kanilang bahay sa Glyka Nera sa Athens.

Pinaslang si Crouch ng kaniyang mister na wala pang dalawang taon ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Tinawag ng kampo ng tagausig na karumal-dumal ang nangyaring krimen.

ADVERTISEMENT

"For six minutes and 42 seconds, the woman of his life as he claimed her to be, was dying in his hands but he did not relent," ani Harmanis sa mga mamamahayag.

"This was a heinous crime," patuloy niya.

Ayon kay Prosecutor Evgenia Stathoulopoulou, ginamit ng akusado ang kaniyang katawan para hindi makalaban ang natutulog na biktima, na isang trained kickboxer.

"This is the action of a coward; my daughter had a black belt in kickboxing and he would know that he was no match for her when she was awake," sabi ng ama ni Crouch sa ulat ng Daily Mail noong Hulyo.

Ayon kay Stathoulopoulou, "unthinkable cruelty" ang ginawang krimen ng piloto na ibinitin pa sa hagdan ang alaga nilang aso, at inilagay sa ibabaw ng bangkay ng biktima ang kanilang anak na 11-buwang gulang "to make the crime scene more dramatic."

Bago umamin sa krimen, pinalabas ni Anagnostopoulos na pinasok sila ng mga magnanakaw, at pinatay ang kaniyang asawa at alagang aso, at itinali siya.

Sinabi ng abogado ni Anagnostopoulos na nagawa ng kaniyang kliyente ang krimen "in the heat of passion."

Sa kaniyang testimonya sa korte, inamin ni Anagnostopoulos na pinatay niya ang asawa habang natutulog.  Lumalabas na "suffocation" ang ikinamatay ng biktima.

Nasa pangangalaga ng mga magulang ng biktima ang kanilang anak. Isang Briton ang ama ni Crouch, habang Pinay ang kaniyang ina.-- AFP/FRJ, GMA News