Sinusulit ng isang Pinoy ang kaniyang pamamalagi sa South Korea bilang isang dumpster diver. Ang ibang itinapong gamit na kaniyang nakukuha dahil mapapakinabangan pa, ipinadadala niya sa kaniyang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Mariz Umali, sinabing nakatira ang Pinoy dumpster diver na si Airish Joshua Repoll sa Namsan City, na ilang oras ang biyahe patungo sa kabisera ng Korea.
Nagtatrabaho si Repoll sa Seoul bilang factory worker na gumagawa ng mga muwebles.
Anim na buwan pa lang si Repoll sa Seoul, pero tila kabisado na niya ang mga kalye roon dahil sa kaniyang pagiging dumpster diving. Ang ibang kalakal na nakukuha niya, ipinapadala niya sa mga kaanak sa Tuguegarao.
"Nakahiligan kong mag-dumpster kasi sa Pinas way back before, mahilig po akong kumuha ng mga gamit na mga magagamit pa kasi sayang, nanghihinayang kasi ako. Kaya noong time na pagdating ko rito, hindi lang factory ang nasa isip ko," sabi ni Repoll.
Tuwing Miyerkoles ang schedule ng pamamasura si Repoll, na siya ring araw ng paglalabas ng mga residente ng kanilang mga patapong gamit.
Nagsimula siya sa pagkalakal ng mga maliliit na gamit tulad ng mga kasangkapan sa kusina, pagtulog, hanggang sa makakuha na rin siya ng TV, rice cooker, speaker at iba pa. Dahil bisikleta lang ang dala niya, hindi pa niya mabitbit ang mga sobrang laking kalakal.
May nakadikit na mga sticker na may mga numero ang bawat basura, na nangangahulugang puwede na itong kalakalin.
Nangangailangan ng koordinasyon sa mga security guard ang dumpster diving doon, lalo sa mga pribadong compound.
Ipinadadala ni Repoll sa Pilipinas ang mga napupulot na kalakal at ibinebenta ng kaniyang kaanak. Nagiging paraan din niya ang pangangalakal upang malibang dahil sa pagiging malayo niya sa pamilya.
Nagbabayad pa rin siya ng shipping fee na nagkakahalaga ng 120,000 Korean won o P4,000 hanggang P5,000, para ipadala ang mga gamit na pinagsawaan na. Noong nakaraang buwan, nakapagpadala ng dalawang jumbo box ng kalakal si Repoll.
Sa mga napupulot na kalakal, ang itinuturing niyang pinakamahalaga ang napupulot niyang laruan para sa kaniyang anak.
"Noong nasa Pilipinas po kasi ako, every time na lumalabas po ako, sinasabi ko sa sarili ko, kasi wala po akong pera, 'Soon mabibilhan ko ang anak ko ng ganito, mabibilhan ko 'yung anak ko ng mga laruan na tinuturo niya na hindi ko kayang bilhin,'" sabi ni Repoll.--FRJ, GMA Integrated News
