Nagbunga ang pagtitiis at pagsisikap ng isang Pinoy na nagtrabaho sa abroad. Mula sa pagiging seaman, nag-apply bilang bellboy sa hotel hanggang sa na-promote at ngayon ay auditor sa isang kilalang hotel chain sa Switzerland.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang nagtagumpay na Pilipino na si Ellie Almirol.
Kuwento ni Almirol, dati talaga siyang seaman pero napagdesisyunan niyang lumagi na sa Switzerland.
Dito na siya nag-apply bilang bellboy sa naturang hotel para makapagpadala ng pera sa kaniyang pamilya sa Pilipinas.
Dahil sa kaniyang sipag at kakayahan, napansin siya at sinanay na maging front desk staff.
“Dito sa kasi Switzerland mayroon kang cross training to other departments,” saad ni Almirol.
Nasundan pa ito ng iba pang mga trainings at promotion.
“Every year you have evaluation kung ano ang gusto mo sa buhay, gusto mo bang lumipat ng ibang department, may opening ganon,” kuwento niya.
Ngayon, mayroon na siyang bago sasakyan, nakabili ng lupa sa Pilipinas, at nakapagpatayo na rin ng bahay para sa kaniyang pamilya.
Isa lang umano si Almirol sa halos 10,000 Pilipinong piniling manirahan o magtrabaho sa Switzerland. Kabilang din siya sa 758,000 na Pilipino na nasa buong Europa.
Ayon sa ulat, nakikinabang ang mga Pilipino sa Switzerland dahil sa magandang relasyon sa pagitang ng dalawang bansa na kung tawagin ay Diplomatic Relation, na 1957 pa nang nabuo. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News
