Nadakip na ng pulisya sa Kuwait ang 17-anyos na suspek sa pagpatay at pagsunog sa 35-anyos na babaeng overseas Filipino worker, ayon kay Department of Migrant Worker (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople.

"Inaresto na, nasa custody na ng Kuwaiti police ‘yung anak ng employer na siyang primary suspect sa pagpatay kay Jullebee Ranara,” saad ni Ople sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Martes.

Sabi ng kalihim, nalaman nila ang edad ng suspek mula sa isang ulat ng media habang hinihintay nila ang opisyal na ulat ng pulisya.

Natagpuan ang sunog na bangkay ni Ranara sa isang disyerto sa Kuwait nitong Linggo.

"According doon sa nanay, ang nirereklamo ni Jullebee ‘yung anak ng employer na lalaki. ‘Yun daw ‘yung malupit sa kaniya. In fact, may isang time daw na parang binantaan daw ‘yung buhay niya,” saad ni Ople.

ADVERTISEMENT

Nang tanungin kung makakaapekto ang pagiging menor de edad ng suspek sa pananagutan nito sa krimen, sinabi ni Ople na pag-aaralan pa ito ng gobyerno.

“‘Yun ang aalamin natin. Anong batas ba ang iiral kapag minor,” ani Ople.

Dagdag pa ng kalihim, magbibigay din ang gobyerno ng death at burial assistance, mandatory insurance, at scholarship sa apat na anak ni Ranara.

Aniya pa, humiling ng privacy ang pamilya ng biktima.

“Ang request din ng pamilya, kung puwedeng may kaunting discretion. Sa kanila naman ayaw nila mag-grant ng interviews kasi gusto nila ng privacy habang nagdadalamhati sila,” sambit ni Ople.

Sa kabila ng nangyaring karumal-dumal na krimen, sinabi ni Ople na hindi kailangang magpatupad ng deployment ban sa Kuwait.

“Hindi namin nakikita na kailangan ‘yun dahil nakikipagtulungan ang Kuwaiti government sa ating embahada and wala pa ngang 24 oras nasa police custody na ‘yung suspect,” giit niya.

Sa halip na deployment ban, dapat daw pag-usapan ang tungkol sa mga posibleng reporma at mga kasunduan ukol sa employment.

“So balak namin sundin din ang formula namin with Saudi Arabia na ipapasok sa kontrata, ipapasok sa labor agreement, mas maraming garantiya para sa seguridad ng ating workers,” dagdag pa niya. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News