NEW YORK - Patay na nang matagpuan ang isang Filipino-American psychologist na unang naiulat na nawawala nitong Hunyo 11 sa Brooklyn, New York.
Nakilala ang biktima na si Karl Clemente, 27.
Ayon sa kanyang amang si Alex Clemente, pupunta sana ang kanyang anak sa isang concert noong gabi ng Linggo, Hunyo 11, sa Brooklyn Mirage Arena kasama ang kanyang mga kaibigan. Pero hindi raw ito pinapasok ng mga security personnel dahil sa nakainom na ang biktima.
Iniwan daw mag-isa ng kanyang mga kaibigan ang biktima sa labas ng concert venue.
Huling nag-text daw ito sa kanyang kaibigan 9:53 ng gabi.
Sa security footage na nakuha ng New York Police Department (NYPD), huling nakita ang biktima na tumatakbo papasok sa isang lumber warehouse hindi kalayuan sa Brooklyn Mirage Arena.
Nitong Biyernes ng umaga, natagpuan ang bangkay Clemente na lumulutang sa isang creek sa likod ng lumber warehouse kung saan huling nikita ang biktima.
Bago matagpuan ang bangkay ng biktima, isang concerned citizen ang nagpadala ng wallet nito sa bahay ng kanyang mga magulang sa upstate New York.
Napulot daw ng concerned citizen ang wallet ng biktima sa loob ng lumber warehouse.
Ayon sa ama ng biktima na si Alex Clemente, nawawala ang cellphone at backpack ng kanyang anak na si Karl.
Wala pang impormasyon na inilalabas ang NYPD kaugnay sa kaso. Nakatakdang isailalim sa medical autopsy ang bangkay ng biktima.
Nagpaabot naman ng pakikiramay sa pamilya Clemente ang Philippine Consulate General sa New York.
Ayon kay Consul General Senen Mangalile, tututukan nila ang kaso ni Clemente para malaman kung may foul play sa pagkamatay nito.
"Nakikiramay po tayo sa pamilya. Isang bagay ito na tututukan natin upang malaman kung ano dahilan ng kinamatay ng kababayan natin. Rest assured na the Philippine Consulate General will always be monitoring and follow up this case," ani Mangalile.
"Kahapon po ang Konsulado natin kausap natin sila pero hindi natin alam ang kalagayan ng kanilang anak. So magre-reach out po tayo sa kanila to offer any assistance na we can do from our side. Pero ngayon po, taos pusong pakikiramay muna sa nangyari sa kanilang anak," dagdag niya. —KG, GMA Integrated News

