Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na kailangan ng Hungary ang 3,000 Pinoy factory workers.

Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi ng DMW na mayroong aktibong job orders para sa naturang bilang ng Pinoy na puwedeng mag-apply na factory worker sa nabanggit na bansa.

Aabot umano sa P50,000 ang magiging buwanang sahod sa naturang trabaho.

Bukod sa mga factory workers, kailangan din ng Hungary ang iba pang uri ng skilled workers.

Kaugnay nito, nagbabala ang DMW sa publiko na mag-ingat laban sa mga illegal recruiter, lalo na ang mga makikitang nagpo-post sa social media.

Makikita umano sa website ng DMW ang listahan ng mga lehitimong recruitment agencies. — FRJ, GMA Integrated News