Inanunsyo ng Malacañang nitong Lunes na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating senador Francis Tolentino bilang acting secretary ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“Tiwala si Pangulong Marcos Jr. na mapamumunuan ni incoming Acting Secretary Tolentino ang DOLE dahil sa kaniyang kakayahan at malawak na karanasan sa paghawak ng mahahalagang tungkulin sa pamahalaan, local o national,” pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa press briefing.
Idinagdag ni Castro na ang kalagayan ng kalusugan ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ang dahilan kung bakit kinailangang magtalaga ng bagong labor secretary.
“Dahil po sa kaniyang (Laguesma) health condition kaya po kailangan po na magkaroon at magtalaga ng acting secretary labor secretary,” ani Castro.
Manunumpa si Tolentino sa Pangulo sa Malacañang ngayong Lunes ng hapon.
Tumakbo si Tolentino para sana sa panibagong termino sa pagkasenador sa halalan noong 2025 ngunit natalo.
Nang mahalal siyang senador noong 2019 elections, nagsilbi siyang chairman ng Senate Committee on Local Government at Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement.
Nagsilbi rin siya bilang presidential adviser on political affairs sa ilalim ng administrasyong Duterte mula 2017 hanggang 2018.
Naging chairman din siya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula 2010 hanggang 2015 sa panahon ng administrasyong Aquino.
Naging alkalde rin siya ng Tagaytay City sa loob ng tatlong magkakasunod na termino mula 1995 hanggang 2004.
Sinabi rin ni Castro na wala pang natatanggap na kumpirmasyon ang Malacañang kung babalik sa puwesto si dating Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos upang palitan ang kasalukuyang kalihim na si Jonvic Remulla. — Mariel Celine Serquiña/FRJ GMA News

