Sugatan ang isang rider na sakay ng motorsiklo matapos siyang mabangga ng isa sa dalawang baka na biglang tumawid sa kalsada sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ng GTV News “Balitanghali” nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang dalawang baka na patakbong tumawid sa kalsada sa Barangay Amansabina.
Isa sa mga baka ang nahagip ng umaarangkadang motorsiklo na dahilan para matumba ang rider na walang suot na helmet.
Dinala sa ospital ang rider dahil sa tinamo nitong sugat sa ulat.
Aminado ang mag-ari ng mga baka na nakalimutan niyang itali ang mga alaga. Pero hinala niya, may bumakabog sa mga hayop kaya kumaripas ng takbo ang mga ito.
Nais naman ng kamag-anak ng rider na tulungan sila sa gastusin sa pagpapagamot ng biktima.— FRJ GMA News
