Ibinahagi ng aktor na si Dennis Trillo sa social media ang pagkakaligtas ng kaniyang anak na si Calix matapos masangkot sa car accident.
Sa isang Facebook post na kalaunan ay binura na, sinabi ni Dennis madaling araw nang mangyari ang aksidente nang naidlip umano habang nagmamaneho si Calix, at mag-isa lang sa sasakyan.
“Bumangga siya sa island at tumaob ‘yung kotse,” saad ni Dennis. “Total wreck.”
Wala namang ibang nadamay sa aksidente, ayon pa sa aktor.
“May pasa sa ulo, braso, at maga ang kaliwang kamay [ni Calix],” saad niya. “Hindi lahat ganito kasuwerte sa aksidente.”
“Salamat po at ganun lang ang nangyari,” dagdag niya.
Nagbigay din ng paalala si Dennis sa mga nagmamaneho. Aniya, kung nakakaramdam na ng antok habang nagmamaneho, mas mabuting huminto muna at umidlip kaysa piliting tapusin ang biyahe.
Anak ni Dennis si Calix sa dating beauty queen at aktres na si Carlene Aguilar. Noong Marso, kinilala siya bilang Rookie of the Year sa Men’s Fencing tournament ng UAAP Season 88.
Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online kina Dennis at Carlene para sa karagdagang pahayag, ngunit wala pa silang tugon habang isinusulat ito. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

-5409_2026_03_13_23_56_45_3.jpg)