Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na pinaigting pa lalo ng kagawaran ang kampanya nito laban sa mga online overseas job scam at illegal recruitment na pinupuntirya ang mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, na patuloy ang pagsugpo ng kagawaran sa mga pekeng online job posting na nag-aalok umano ng mga trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng pinaigting na pakikipagtulungan sa Meta Platforms Philippines at TikTok Philippines.
Mula 2020 hanggang 2026, umabot na umano sa 146,871 na mga post na may kaugnayan sa illegal recruitment ang napatanggal sa Facebook, habang 57,557 naman ang tinanggal sa TikTok.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers nitong Lunes, sinabi ni Cacdac na pinalakas din ng DMW ang kanilang online surveillance at monitoring operations sa pamamagitan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) upang higit na maprotektahan ang mga nagnanais maging OFW laban sa illegal recruitment at pagsasamantala.
Pinag-aaralan din ng DMW ang mas malapit na pakikipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT), kasunod ng rekomendasyon ni Senador Raffy Tulfo, upang makatulong sa pagtukoy at pagpapatanggal ng mga peke at illegal online advertisement para sa trabaho sa abroad.
Kasabay nito, pinalalawak din ng ahensya ang pakikipagtulungan nito sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, social partners, at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang mapalakas ang information campaigns, masuportahan ang rescue operations, at makapagbigay ng legal assistance sa mga OFW na nabibiktima ng online scams at human trafficking schemes. – FRJ GMA News

