Ikinasal na ang aktor na si Polo Ravales sa kaniyang non-showbiz partner na si Paulyn Quiza.
Sa Instagram Stories, ibinahagi muli ng “Master Cutter” actor na si Polo ang ilang bahagi ng kanilang kasal na ginanap noong Linggo, Mayo 24, kabilang ang mga post ni Dingdong Dantes.
Sa mga larawan at video, makikitang nakasuot si Polo ng puting suit na may itim na undershirt at bow tie, habang si Paulyn naman ay nakasuot ng off-shoulder mermaid wedding gown.
Nagkaroon ng engagement sina Polo at Paulyn noong 2018. Makalipas ang tatlong taon, isinilang ang kanilang unang anak na si Yatrick Paul.
Kasalukuyang magkasama sina Polo at Dingdong sa seryeng “Master Cutter,” na mapapanood sa GMA Prime tuwing weekday sa ganap ng 8:00 pm. Mapapanood din ito sa Netflix.
Sa direksyon ni Dominic Zapata, kabilang din sa cast ng “Master Cutter” sina Sienna Stevens, Shuvee Etrata, Anthony Constantino, Charlie Fleming, at iba pa. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

