Nahuli-cam ang sapilitang pagsakay sa van ng ilang lalaki sa dalawang lalaki sa Cebu City. Ang isang biktima, pinakawalan kinalaunan sa Naga City sa Cebu rin.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita ang dalawang biktima na nakatayo sa tabi ng isang Sports Utility Vehicle (SUV). Maya-maya lang, dumating na ang mga suspek na nakasakay sa isang van at isang kotse.
Sinunggaban ng mga suspek ang dalawang lalaki at sapilitang isinakay sa van. Nagpumiglas pa ang isang biktima pero pinagsusuntok siya at tuluyang naisakay ng mga suspek.
Kasama ring tinangay ng mga suspek ang SYV ng mga biktima na magkasosyo sa umano negosyo.
Hinala ng pulisya, hindi kidnap-for-ransom kung hindi personal ang motibo sa pagdukot.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na konektado ito sa car rental.
Kinalaunan, pinakawalan sa Naga, Cebu ang isang biktima pero hindi pa natatagpuan ang isa.
Person of interest sa ngayon ang unang dinukot, habang patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad.-- FRJ GMA News
