Nakuha na ng ilan sa 10,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia dahil sa oil crisis ang kanilang backwages matapos ang ilang taon na paghihintay.
Pero may problema pa rin dahil ayaw tanggapin ng bangko sa Pilipinas ang tseke na kanilang natanggap mula sa bangko sa Saudi Arabia, ayon sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac, tutugunan ng pamahalaan ang naturang usapin.
“There will be an appropriate announcement in one or two days about the manner in which we will help,” ani Cacdac.
Hinihiling din ng ilang OFWs ang kopya ng master list ng mga tatanggap ng backwages sa Saudi Arabia para matulungan ng DMW ang mga OFW na wala sa listahan.
Nitong Oktubre, sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na tiniyak sa kaniya ng pamahalaan ng Saudi Arabia na inaayos na ang unpaid wages ng mga OFW.
Noong November 2022, nangako si Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman na maglalaan sila ng 2 billion riyals para mabayaran ang sahod ng OFW na nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng ilang kompanya na nabangkarote noong 2015 at 2016. —FRJ, GMA Integrated News
