Humingi ng tulong ang ina ng isang overseas Filipino worker (OFW) para sagipin ang kaniyang anak na minamaltrato at ginugutom umano ng amo sa Oman.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ng ginang na nasa Pilipinas na dalawang taon nang domestic worker sa kasalukuyang employer ang anak niyang itinago sa pangalang "Julia."
"Pinapahirapan po siya ng amo niya. Kinukulong, ginugutom. Sabi po ng anak ko may tinutusok daw pong karayom sa kanya. Para siyang nanghihina na nangingisay siya tapos ang tiyan niya raw po mabigat," kuwento ng ina na hindi maiwasan na labis na mangamba sa sitwasyon ng kaniyang anak.
Nagsimula raw ang pagmamaltrato ng amo kay Julia noong nakaraang Setyembre.
"Takot na takot na po ako. Gusto ko sanang yung anak ko makauwi na po dito sa Pilipinas. Sabi ko, ‘di bale nang wala kang dalang pera pag-uwi mo dito sa bahay, basta’t buhay ka," sabi ng ginang.
Ipinagbigay-alam ng "Kapuso Action Man" sa Department of Migrant Workers ang kalagayan kay Julia, na agad namang inaksyunan kaya nasagip ang OFW at naiuwi na sa Pilipinas noong Enero 20.
"Yung maltreatement sa kaniya ay criminal offense na ‘yun. Kapag ganitong mga criminal offenses against our OFWs, humihingi rin tayo ng tulong sa host country police forces…so sa kapulisan or yung Omani gov’t authorities na tumutulong sa atin na masagip, maligtas, madala sa shelter," ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac.
Makakatanggap din si Julia ng tulong mula sa DMW at Overseas Workerks Welfare Administration.
"Bukod sa kanyang ligtas na pagpapauwi at pagbigay ng ayuda o assistance sa kanya, itong psychosocial counseling ay bahagi ng serbisyo natin hindi lamang dito pagdating sa Pilipinas kundi habang nandoon sa Oman," dagdag ng opisyal.
Nagpasasalamat naman ang pamilya ni Julia sa sa tulong upang makauwi siya nang ligtas.---FRJ, GMA Integrated News
