Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na sa mga susunod na linggo, makukuha na ng nasa 300 overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia ang hindi nila nakatanggap na sahod.

Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, na maki-"clear" na ng bangko ang mga tseke nila sa susunod na mga linggo.

“This is just the start of what we see as a deliberate process of distribution of claimants’ checks and encashment resulting into the full payout of each of our displaced OFWs’ unpaid claims and other benefits,” ayon kay Cacdac.

Batay sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sinabi ni Cacdac na nagsimula ang pagbabayad sa hindi nabayarang sahod ng nasa 1,104 OFWs simula noong Enero.

Nasa 843 ng mga OFW ang na-encash na umano ang pera, ayon sa DMW.

Tumulong ang Overseas Filipino Bank (OF Bank) at LandBank of the Philippines (LBP) sa mga OFW na makapagbukas ng account upang maiproseso ang mga tseke kung saan idineposito.

Bukod sa tseke ng 1,104 claimants OFW, sinabi ng DMW na may panibago pang 400 checks na inaasahang maipapamahagi sa Marso.

Dahil dito, aabot na sa 1,500 ang tseke na for payout at encashment ang maibibigay sa mga OFW mula sa Saudi.

Sa ikatlong bahagi ng 2023, nasa 10,554 displaced Saudi OFW claimants ang isinumite ng DMW sa mga awtoridad ng Saudi Arabia.

Inaasikaso rin umano ng DMW na payagan ang mga naulila na sila ang tumanggap ng tseke kung pumanaw na ang OFW. Kasama na rin dito ang mga may pagkakamali sa address at maging ang mga may minor discrepancies sa pangalan ng OFWs.

Sa naturang mga problema, kasama sa mga tumutulong ang Landbank at Overseas Filipinos Bank.

“We will continue working with our Saudi counterparts to resolve these issues and we will continue assisting our OFWs and their families through this final stage in receiving their long overdue wages and benefits,” sabi ni Cacdac. -- FRJ, GMA Integrated News