Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na iniimbestigahan nila kung may iba pang opisyal na kasama sa umano'y maanomalyang P1.4-billion land acquisition deal na pinasok ng sinibak na si dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio.Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, patuloy ang pagkalap nila ng impormasyon at ebidensiya tungkol sa naturang kontrata bago nila isampa ang kaukulang kaso laban sa mga sangkot na tao sa naturang kasunduan na wala umanong pahintuloy mula sa Board ng OWWA.“‘Yan ang isang bagay na sinusuri ngayon, ‘yung posibilidad na merong iba pang sangkot. Kasi ang ipinalit sa Board ay isang komite within the OWWA. Hindi kinonsulta ang Board pero may sariling komite na binuo,” pahayag ni Cacdac sa panayam ng Unang Balita nitong Lunes.“Ito ang sinusuri natin kung sino ang kasama dito, sa pagpapasya na hindi konsultahin ang Board at mag-proceed dito sa transaksyon na may mga aspeto na kailangan pa nating lalong suriin,” dagdag niya.Ayon kay DMW Undersecretary Patricia Yvonne "PJ" Caunan na pumalit kay Ignacio bilang pinuno ng OWWA, magsisilbing halfway house o dormitory-type accommodation ng overseas Filipino workers na itatayo malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, ang pinasok na P1.4-billion land purchase deal.Una rito, sinabi ni Cacdac na inalis at pinalitan si Ignacio dahil sa "loss of trust and confidence" dahil sa pinasok nitong kasunduan nang hindi umano ipinapaalam sa OWWA Board.Nang tanungin kung maaari pa bang mabalewala ang naturang P1.4-billion deal, sabi ni Cacdac, “‘Yan ay isang bagay din na pinag-aaralan pa natin.”Idinagdag niya na pinag-aaralan pa ng DMW kung itutuloy o hindi ang proyekto. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News